dzme1530.ph

Mga pangyayari sa South China Sea, tatalakayin sa ASEAN-Japan Commemorative Summit

Tatalakayin ang mga pangyayari sa South China Sea sa idaraos na ASEAN-Japan Commemorative Summit sa Tokyo ngayong linggo, na dadaluhan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr..

Ito ay sa harap ng magkakasunod na panghaharas ng China sa Filipino vessels sa West Philippine Sea nitong nagdaang weekend.

Sa pre-departure briefing sa Malakanyang, inihayag ni DFA Office of ASEAN Affairs Assistant Sec. Daniel Espiritu na sa pagtitipon ay maaaring ma-plantsa na ang joint-vision statement ng ASEAN at Japan na suma-saklaw sa political security at defense issues.

Sinabi rin ni Espiritu na posibleng mapag-usapan ang isinusulong na reciprocal access agreement o joint military cooperation ng Japan at Pilipinas, ngunit malabo pa itong malagdaan sa Summit.

Samantala, tatalakayin din ang iba pang regional issues sa East China Sea, Myanmar, at North Korea. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News

About The Author