dzme1530.ph

Mga nasa likod ng tinawag na Politicians’ Initiative, hinamong ituwid ang panloloko sa tao

Hinamon ni Senador Ronald Bato dela Rosa ang mga mambabatas na nasa likod ng tinawag niyang Politicians Initiative na amyendahan hindi ang konstitusyon kundi ang anya’y panloloko nila sa mamamayan sa pangangalap ng lagda.

Sinabi ni dela Rosa na malaking panlilinlang ang ginawa sa mga tao para mapalagda sa petisyon na naglalayong amyendahan ang konstitusyon kapalit ng mga suhol.

Iginiit ng senador na hindi nila papayagan at kinokondena nila ang anumang uri ng pagbabanta, pamimilit o panunuhol na maglalagay sa kompromiso sa kinabukasan ng ating bansa at mamamayan.

Nilinaw ni dela Rosa na kinikilala niya ang boses ng publiko sa pag-amyenda sa konstitusyon subalit hindi anya susuportahan ang People’s Initiative na pinangunahan naman ng mga pulitiko.

Tanong pa ng senador kung bakit hindi gamitin ang dalawang paraan sa pag-amyenda ng konstitusyonang ConCon at ConAss na kapwa nangangailangan ng partisipasyon ng Senado.

Nananawagan din siya sa publiko na mag-ingat sa mga nilalagdaang dokumento at agad ipaalam sa Senado kung may mga taong mamimilit sa kanila pumirma kapalit ng mga pangako ng ayuda o anumang halaga. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author