Binatikos ni Senate Majority Leader Joel Villannueva ang mga nasa likod ng panunuhol sa mga mamamayan upang lumagda sa umano’y People’s Initiative para sa pagbabago ng konstitusyon.
Sinabi ni Villanueva na dapat tigilan na ang panlilinlang at pananakot upang unahin ang pansariling interes ng mga ganid sa pwesto gayundin anya ang paglapastangan at pagmamanipula sa ating mga kababayan.
Ipinaalala ng senador na marunon mag-isip ang mga Pilipino at hindi nabibili ang kanilang opinyon dahil hindi anya for sale ang Pilipino.
Iginiit ng mambabatas na hindi ang charter change ang sagot sa kumakalam na sikmura, kawalan ng trabaho, sa parating na El Niño at sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Kaya’t hinimok niya ang mga nasa likod ng umano’y People’s Initiative na magpakatotoo dahil alam naman anya ng lahat na ang totoong dahilan kaya pinagpipilitag buwagin ang Senado ay para kontrolin ang kapangyarihan sa ilalim ng unilateral o iisang Kongreso at palawigin ang kanilang mga termino. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News