Nanindigan ang mga miyembro ng gabinete ng Marcos administration sa naging papel ng gobyerno sa pag-aresto at pagsuko kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Foreign Affairs, dinipensahan ni Justice Sec. Jesus Crispin Remulla ang kanilang aksyon at iginiit na ito ay batay sa pagtugon sa international law.
Nilinaw din ni Remulla at nina Defense Sec. Gilberto Teodoro at National Security Adviser Eduardo Año na hindi sila nakipagtulungan sa ICC.
Sinabi ni Remulla na ginawa ng ICC ang kanilang imbestigasyon sa sarili nilang paraan at walang naging papel ang gobyerno.
Iginiit din ni Teodoro na walang ahensya sa ilalim ng Department of National Defense na nakipagtulungan sa ICC dahil sinusunod anila ang pahayag ng Pangulo na wala nang hurisdiksyon ang ICC sa Pilipinas.
Nanindigan din si Remulla na gumagana pa rin ang justice system sa bansa at ang mga insidenteng saklaw ng kaso ng dating Pangulo ay nangyari sa ilalim ng dating administrasyon.
Nang mga panahon aniyang iyon ay walang maramdamang hustisya ang mga biktima ng Extra Judicial Killings.