Isiniwalat ng New Masinloc Fisherman’s Association na hindi ini-eskortan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang mga mangingisdang Pinoy sa Scarborough Shoal sa gitna ng presensya ng Chinese vessels.
Sinabi ni Leonardo Cuaresma, pangulo ng grupo, na kapag pumupunta sila sa Scarborough Shoal ay nagla-log out lang sila sa opisina ng PCG sa Masinloc station subalit ang totoo ay walang nag-e-eskort sa kanila kapag nangingisda sila sa lugar.
Inihayag ni Cuaresma na sa kasagsagan ng tensyon sa pinag-aagawang teritoryo noong 2016 ay sinabihan sila na e-eskortan ng coast guard ang mga mangingisda para malayang makapalaot subalit hindi naman aniya ito naisakatuparan.
Idinagdag pa nito na ang paliwanag sa kanila ng PCG ay makadaragdag lang sa tensyon sa mga sasakyang pandagat ng China ang presensya ng kanilang personnel. —sa panulat ni Lea Soriano