Inihanay ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mga bayani ang mga magsasaka, guro, Overseas Filipino Workers, at iba pang manggagawa.
Sa kanyang talumpati sa National Heroes Day Ceremony sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig City, inihayag ng Pangulo na ang lahat ay maaaring maging bayani, at magagawa ito sa pamamagitan lamang ng simple ngunit taos-pusong paggawa ng maganda para sa iba nang walang halong personal na interes.
Ang mga bayani umano ay maaaring ang mga electric linemen sa Bacolod City na itinaya ang buhay para kumpunihin ang mga nasirang linya ng kuryente sa kasagsagan ng bagyong Egay, upang mailigtas sa kapahamakan ang mas nakararami.
Maaari ito rin ay ang mga magsasaka na tinitiis ang masamang panahon at kondisyon ng ekonomiya upang matiyak ang pagkain para sa publiko, mga gurong matiyagang nagtuturo at nagsisilbi sa gobyerno sa kabila ng kakarampot na sweldo, at binanggit din ni Marcos ang pinoy teachers na tumulong sa nakatatanda nilang kapitbahay sa gitna ng wildfire sa ibang bansa.
Ini-hanay din sa mga bayani ang mga trabahador na bumangon mula sa mga hamon ng pandemya, kasama na ang Overseas Filipino Workers na ang remittances ay nagsisilbing haligi ng ekonomiya. — ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News