Inirekomenda ni Sen. Imee Marcos na ipaubaya na sa mga magsasaka ang pagpili ng pataba o fertilizer na gagamitin sa kanilang mga pananim.
Kasabay nito, nagbabala ang senador na kapag pumalpak ang Department of Agriculture sa pangakong na tataas ang rice production sa paggamit ng biofertilizer ay magresulta ito sa mas malaking importasyon ng bigas at makapagpababa ng kita sa mga lokal na magsasaka.
Binigyang-diin pa ng senador na mas makabubuting bigyang laya ang mga magsasaka na magdesisyon kung anong fertilizer ang gagamitin dahil mas alam nila kung anong magandang pataba ang dapat na gamitin para sa masaganang ani.
Mas pabor din ang mambabatas na panatilihin ng gobyerno ang sistema sa pagbibigay ng cash vouchers para sa subsidiya sa pagbili ng pataba.
Nanawagan din si Marcos sa D.A. na pag-aralanan ang kanilang Memorandum Order 32 kung saan isinusulong ang pamamahagi ng biofertilizers sa mga rice farmers sa buong bansa kapalit ng inorganic urea.
Iginiit ng mambabatas na kinakailangan munang isailalim sa test ang biofertilizer para patunayan na talagang mapapababa nito ang rice production costs at mas mapapalakas ang pagaani ng mga magsasaka. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News