dzme1530.ph

Mga kandidato, hinimok na panatilihin ang integridad ng Halalan

Loading

Sa pagsisimula ng campaign period para sa mga lokal na posisyon, nanawagan si Sen. Win Gatchalian sa lahat ng kandidato na tiyakin ang pagpapanatili sa integridad ng halalan sa pamamagitan ng pagsunod sa mga alituntunin ng Commission on Elections (Comelec).

Ayon sa senador, mahalaga ang patas at malinis na eleksyon upang mapanatili ang tiwala ng mamamayan sa demokrasya.

Kasabay nito, hinimok niya ang mga awtoridad na maging mapagbantay sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa panahon ng kampanya at eleksyon.

Dapat anyang maging proactive upang maiwasan ang anumang banta ng pananakot, harassment, at iba pang uri ng karahasan na may kaugnayan sa halalan.

Nanawagan din ang senador sa publiko na maging aktibong tagapagbantay ng halalan at agad na iulat ang anumang iregularidad upang matiyak ang isang patas at mapayapang eleksyon.

Samantala, sinabayan din ng ilang senatorial bets ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas ang kickoff rally ng ilang lokal na kandidato.

Sa lalawigan ng Cebu, inendorso ni Gov. Gwendolyn Garcia sa mga Cebuano ang Alyansa Senatorial bets na sina dating DILG Sec. Benhur Ablaso, dating Sen. Manny Pacquiao at incumbent Senators Bong Revilla, at Francis Tolentino.

Nagpahayag naman ng pasasalamat si Abalos kay Garcia at sa mga mamamayan ng Cebu kasabay na ng papuri sa malaking kontribusyon ng lalawigan sa ekonomiya.

Binigyang-diin ni Abalos ang kahalagahan ng pagpapanatili ng paglago ng Cebu sa pamamagitan ng epektibong pamamahala.

Inendorso naman ng mga lokal na opisyal ng GMA, Cavite si dating Sen. Panfilo Lacson dahil sa kanyang patuloy na pakikipaglaban sa katiwalian at pagsusulong ng national budget for development programs sa pamamagitan ng kanyang Budget Reform Advocacy for Village Empowerment (BRAVE).

About The Author