Malaya na magsampa ng kaso sa korte ang mga grupong kumukwestiyon sa legalidad ng 260 containers ng imported na asukal.
Ito ang reaksyon ni Department of Agriculture (DA) Assistant Secretary at Deputy Spokesperson Rex Estoperez sa pahayag ni dating DA Secretary at Federation of Free Farmers (FFF) Board Chairman Leonardo Montemayor, kasabay ng paghimok sa sugar farmers na dalhin sa korte ang isyu.
Sinabi ni Estoperez na karapatan ng mga magsasaka na maghabla subalit dapat din nilang ikunsidera kung makatutulong ba ang kanilang hakbang o hindi.
Una nang inatasan ni Agriculture Senior Undersecretary Domingo Panganiban ang Sugar Regulatory Administration (SRA) na maglabas ng clearances sa imported sugar, sa kabila ng posisyon ni Senador Risa Hontiveros at ng iba’t ibang grupo na hindi dapat i-release ang mga kuwestiyonableng asukal.
Ipinagtanggol din ni Estoperez si Panganiban sa pagsasabing, ang tanging pagkakamali lamang nito ay umakto ng may pagmamadali dahil na rin sa kagustuhang maibaba agad ang presyo ng asukal upang maabatan ang mataas na inflation.