dzme1530.ph

Mga dumalo sa binyag sa Lamitan City, pinagbabaril; 1 patay, 4 sugatan

Isa ang patay habang limang iba pa ang sugatan ng paputukan ng M16 assault rifle ng isang lalaki ang grupo ng mga Yakan na nagsasagawa ng tradisyonal na binyag sa isang liblib na barangay sa Lamitan City sa Basilan, gabi ng Byernes.

Kinumpirma nitong Sabado ni Brig. Gen. Allan Nobleza, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, ang pagkakasawi sa naturang insidente ng 56-anyos na si Amilhassan Asbito.

Posible diumanong may kagalit ang namaril, si Arman Misa, sa ilang sa mga bisita sa naturang binyag ng batang Yakan sa Barangay Bohe Bessey.

Sa ulat ng Lamitan City Police Station kay Nobleza, lumapit diumano si Misa sa pinagdadausan ng binyag at biglang pinagbabaril ang mga bisita sa naturang okasyon.

Maliban sa napaslang na si Asbito, may lima pang mga bisita, apat sa kanila mga menor-de-edad, ang nagtamo ng mga tama ng bala sa ibat-ibang parte ng katawan.

Ang mga biktima, sina Arham Daang, 16, Nurhaina Anong, 12, Hasima Daang, 12, Salman Marquez, 14, at ang 27-anyos na si Rahiya Alim, ay nasa isang pagamutan na sa Lamitan City, ayon sa ulat ng Lamitan CPS kay Nobleza.

Ayon kay Nobleza, nagtutulungan ang mga kasapi ng kanilang mga unit sa Basilan at ang mga barangay tanod sa Bohe Bessey sa pagtugis kay Misa na agad na tumakas matapos na isagawa ang krimen.

Kasalukuyan ng tinutugis na ng mga pulis at mga barangay tanod ang suspek.  —ulat mula kay Felix Laban, DZME News

About The Author