dzme1530.ph

Mga biktima ng kalamidad, iminungkahing isama sa 4Ps beneficiaries

Sa gitna ng pananalasa ng unang bagyong Amang ngayong taon, muling iginiit ni Senador Alan Peter Cayetano ang kanyang panukala na isama ang mga biktima ng kalamidad sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps upang matulungan silang makabangon.

Ipinaliwanag ni Cayetano na layun ng 4Ps na maresolba ang intergenerational poverty na ang isa sa mga dahilan ay ang kabiguang makabangon ng mga pamilyang apektado ng kalamidad.

Sa kasalukuyang sistema, ang mga pamilyang apektado ng bagyo, lindol o anumang kalamidad ay pinagkakalooban ng DSWD ng immediate financial assistance at saka sila isasailalim sa assessment para sa economic status sa loob ng 15 hanggang 30 araw.

Sa Senate Bill No. 302 o ang 4Ps for Disaster Victims Act ng senador, nais niyang gawing benepisyaryo ng 4Ps sa loob ng isang taon ang mga indibidwal na hindi naman itinuturing na mahirap subalit biktima ng kalamidad.

Sa pamamagitan nito ay matitiyak ang pagbangon ng mga naapektuhan ng anumang kalamidad.

Idinagdag ng senador na bagamat hindi kayang pigilan ng gobyerno ang mga sakuna, maaari nitong i-empower ang mga ahensya nito upang kaunti lang ang mga pamilyang maaapektuhan.  —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author