Dapat bigyan muna ng pagkakataong maipatupad nang maayos ang lahat ng mga batas na naipasa para sa ekonomiya sa halip na pag-usapan ang pagbabago sa Konstitusyon.
Ito ang binigyang-diin ni Sen. Christopher Bong Go na nagsabi ring kung gagalawin ang saligang batas ay dapat tiyakin na ang mahihirap na mamamayan ang makikinabang at hindi ang mga pulitikong may pansariling interes.
Kabilang sa mga batas na tinutukoy ni Go ang Foreign Investment Act, Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP), Retail Trade Liberalization Act at ang pending sa Korte Suprema na Public Service Act.
Sinabi ni Go na dapat munang pag-aralan kung kinakailangan na talagang buksan sa pagbabago ang konstitusyon sa gitna ng kanyang pangamba sa posibilidad na hindi maiwasan ang pag-uungkat sa political provisions.
Muli ring pinatitiyak ni Go sa mga nagsusulong ng chacha na unahing isakatuparan ang economic recovery upang matulungan ang mga kababayan nating labis na naapektuhan ng COVID-19 pandemic. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News