dzme1530.ph

Mga barko ng Pilipinas na nasa resupply mission, binomba na naman ng tubig ng Chinese vessels habang patungo sa BRP Sierra Madre

Binomba na naman ng tubig ng China Coast Guard (CCG) ang Philippine vessels na regular na nagsasagawa ng rotation at resupply mission sa BRP Sierra Madre, na nagresulta sa pagkasira ng makina ng M/L Kalayaan, ayon sa sa Philippine Coast Guard.

Sinabi ni PCG Spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela, na nagsasagawa ang M/L Kalayaan, kasama ang BRP Cabra at UNAIZAH MAE 1 ng Regular Rotation and Resupply (RORE) Mission sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal nang atakihin sila ng CCG, kahapon ng umaga.

Idinagdag ni Tarriela na dinikitan din hanggang tuluyang banggain ng CCG vessel ang UNAIZAH MAE 1.

Sa kabila naman ng naturang pag-atake ay matagumpay na narating ng UNAIZAH Mae 1 ang BRP Sierra Madre at naipagpatuloy ang resupply mission.

Samantala, ang M/L Kalayaan ay hinila pabalik sa Ulugan Bay sa Palawan ng Coast Guard Vessel na BRP Sindangan. —sa panulat ni Lea Soriano

About The Author