Iminungkahi ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na kailangan ay may sariling cybersecurity response teams ang national government agencies sa gitna ng banta ng dumaraming cyberattacks.
Sinabi ni DICT Undersecretary Jeffrey Ian Dy na bagaman mayroong National Computer Emergency Response Team (NCERT) ang bansa, ay hindi kaya ng team na tugunan ang lahat ng ahensya ng pamahalaan na nangangailangan ng tulong.
Ang NCERT ay isang yunit sa ilalim ng DICT na tumatanggap, nagre-review, at tumutugon sa computer security incidents.
Inihayag ni Dy na simula Enero hanggang Agosto ay mahigit 3,000 cybersecurity issues na ang kanilang natugunan sa buong bansa.