70% ng mga Pilipino ang nais na igiit pa ng Marcos administration ang territorial rights ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS) sa pamamagitan ng diplomasya at iba pang mapayapang pamamaraan, batay sa resulta ng survey na isinagawa ng OCTA Research.
Sa Tugon ng Masa Nationwide Survey na isinagawa noong July 22 hanggang 26, pinakamataas ang percentage na nakuha mula sa Visayas na may 84%, sa mga naniniwalang dapat i-prayoridad ng kasalukuyang administrasyon ang pagtatanggol sa mga karapatan ng bansa sa WPS.
Sumunod ang Mindanao na may 70%, habang ang National Capital Region at Balance Luzon ay statistically nag-tie sa 64% at 67%.
Samantala, halos two-thirds o 65% naman ng 1,200 respondents ang nagsabing nais nilang ipaglaban ang territorial rights ng Pilipinas sa pamamagitan ng military action o expanded naval patrols at palakasin ang presensya ng tropa sa West Philippine Sea. —sa panulat ni Lea Soriano