dzme1530.ph

Mayor Lacuna, bumisita sa mga nasunugang vendor ng Tayuman Pritil Public Market

Binisita ng ni Manila Mayor Honey Lacuna ang mga vendor na lubhang na-apektuhan nang masunog ang Tayuman Pritil Public Market, Biyernes ng gabi.

Layunin ng pagbisita ng alkade na alamin ang katayuan at kondisyon ng mga vendor, kung saan isa-isang kinausap ni Lacuna ang mga ito at inalam kung anong tulong ang magagawa ng pamahalaan ng Maynila.

Ayon sa mga biktima, sana’y matulungan silang makatawid sa kalungkutan, at mairaos mula sa pagkakasadlak ng kanilang mga puhunan na tinupok ng apoy.

Nangako naman ang alkade ng Lungsod na gagawin nito ang lahat ng kanilang makakaya para matulungan ang mga naapektuhan ng sunog.

Kinumpirma rin nito na walang katotohanan ang lumalabas na agam-agam na balak umanong gawing private public market.

Ayon kay Mayor Lacuna, mananatili itong Pritil Public Market, na gagawing modernong pamilihan, palalakihin at palalawakin pa ito, ngunit may-katagalan aniya bago matapos ang nasabing rehabilitasyon ng pamilihan.

Sa ulat umabot sa 491 mga stall sa loob ng pamilihan ang natupok ng apoy, na umakyat sa ika-5 alarma.

Ayon sa BFP, MPD, tumagal ng halos 8 oras at naapula lamang ito pasado 4 ng madaling araw ng Sabado, wala namang napaulat na nasawi at nasaktan sa nangyaring insidente. —ulat mula kay Felix Laban, DZME News 

About The Author