Itinuturong dahilan ng Management Association of the Philippines (MAP) ang mataas ng presyo ng masusustansyang pagkain sa pagsirit ng mga kaso ng malnutrisyon at child stunting o pagkabansot ng mga batang Pilipino.
Sa isinagawang survey ng Campaign Against Malnutrition and Child Stunting (CAMACS), lumalabas na karamihan sa mga Pilipino ang may mataas na lebel ng kamalayan sa mga nasabing kondisyon, subalit walang kakayahang magkaroon ng access sa masusustansyang pagkain dahil sa kahirapan.
Mula sa 120,000 respondents, 25.1% dito ang may alam hinggil sa malnutrisyon at 21.1% sa child stunting.
Sa kabila nito, nananatiling mahirap para sa mga pamilyang Pilipino ang makabili ng naturang pagkain bunsod ng mataas na presyo.
Mayorya o 48.4% naman ang nagsabi na naka-kakain lamang sila ng gulay at prutas nang dalawa hanggang anim na beses sa isang linggo, sinundan ito ng 36.3% na kumokonsumo “on a daily basis”, at 10.7% na naka-kakain isang beses sa isang linggo.
Matatandaang nanawagan ang map sa mga negosyante at kumpanya na magkasa ng reporma at inisyatiba upang i-promote ang masusustansyang pagkain maliban sa feeding programs. —sa panulat ni Airiam Sancho