dzme1530.ph

Maraming nananalo sa Lotto, nais pa-imbestigahan sa senado!

Nais ni Senador Koko Pimentel na silipin ang pagkapanalo ng maraming mananaya sa Lotto o ang linggu-linggong nakakakuha ng jackpot.

Ito ay para lamang mabura anya ang anumang pagdududa ng taumbayan hinggil sa Lotto draw.

Matatandaang noong Oktube ay naghain ang senador ng resolusyon para imbestigahan ang pagkapanalo ng maraming tao sa lotto jackpot.

Sinabi ni Pimentel na kung mapatunayan sa imbestigasyon na walang kababalaghang nangyayari sa lotto draw ay mas maraming mananaya ang tatangkilik sa mga laro ng PCSO.

Dahil sa ngayon anya mahirap paniwalaan na linggu-linggo ay may nananalo ng jackpot.

Kung hindi anya maaaring ilabas ang pagkakakilanlan ng winner ay maaari naman itong idaan sa Commission on Audit para matiyak ang transparency.

Bagama’t wala anyang impormasyon ng katiwalian sa PCSO, kailangan pa ring maipakita sa lahat na sumusunod sa tamang regulasyon at totoong tao ang mga nananalo. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author