Sumigla ang manufacturing activity sa Pilipinas sa nagdaang buwan ng Mayo bunsod ng bagong orders at mabilis na paglago ng produksyon, ayon sa S&P Global.
Umakyat ang Philippines’ Manufacturing Purchasing Managers’ Index (PMI) sa 52.2 noong Mayo mula sa eight-month low na 51.4 noong Abril, palatandaan na bumubuti ang operating conditions.
Sinabi ng S&P Global na ang paglago ay sinuportahan ng solidong pag-angat ng output at factory orders, kasabay ng pagdagdag ng mga kumpanya ng mga manggagawa sa unang apat na buwan ng taon.
Nakatulong din ang magandang vendor performance noong Mayo na unang beses nangyari sa loob ng halos apat na taon.
Ang Pilipinas ang ikatlo sa may pinakamataas na PMI Reading mula sa limang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) member countries, sunod na Thailand na nakapagtala ng 58.2 at Myanmar na mayroong 53.
Samantala, tumamlay naman ang factory output activity sa Malaysia na nakapagtala ng 47.8 at Vietnam na may 45.3. —sa panulat ni Lea Soriano