dzme1530.ph

Manny Pacquiao, naniniwalang hindi hadlang ang kanyang edad para tuparin ang pangarap na makapaglaro sa Olympics

Muling inihayag ni Filipino boxing legend at dating Senador Manny Pacquiao ang kanyang intensyon na sumali sa Paris Olympics sa susunod na taon.

Ito’y matapos kumpirmahin ng Philippine Olympic Committee na dumulog sila sa International Olympic Committee tungkol sa eligibility ng eight-division world champion, kasabay ng pagsasabing maaring mag-qualify si Pacquiao sa pamamagitan ng universality rule.

Mayroong siyam na universality slots sa boxing, na tinutukoy ng POC para kay Pacquiao na 44 years old na at hindi na eligible na makapaglaro sa olympic qualifiers na mayroong 40-year-old age limit.

Naniniwala naman si Pacquiao na hindi hadlang ang kanyang edad upang maabot ang kanyang pangarap na makapaglaro sa Olympics.

Iginiit din nito na hindi pa huli para tuparin ang kanyang minimithi na makapag-uwi ng gintong medalya sa Pilipinas sa larangan ng boksing mula sa olimpiyada. —sa panulat ni Lea Soriano

About The Author