Hinimok ni Sen. Francis ‘Chiz’ Escudero ang Department of Education na pag-aralang mabuti ang planong gawing mandatory ang pagsali ng mga Basic Education learners sa Boy at Girl Scouts of the Philippines.
Sinabi ni Escudero na kailangang silipin munang mabuti ang magiging ligal na implikasyon kung oobligahin ang mga estudyante na sumali sa scouting.
Ang Boy Scout at Girl Scout ay parehong pribadong organisasyon kaya’t may ligal na tanong kung pwede nga bang gawing mandatory ang pagsali dito.
Wala anyang problema sa mga nais sumali subalit ibang usapin kung gawing mandatory.
Dapat anyang aralin itong mabuti upang matiyak na hindi lalabag sa anumang probisyon ng konstitusyon.
Una nang inihayag ni DepEd Sec. at Vice President Sara Duterte-Carpio plano nilang isama sa basic education curriculum ang mandatory scouting.
Ayon sa kalihim, makatutulong ito nang malaki para sa pagtuturo ng values sa kabataan kasama na ang katapatan, integridad, paggalang at pagtulong sa kapwa. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News