Isinusulong ni Sen. Jinggoy Estrada ang panukalang magmamandato ng insurance coverage at benefits sa mga electrical line workers.
Sa kanyang Senate Bill 2343, iginiit ni Estrada na mapanganib na trabaho ng mga electrical line workers na kahit bumagyo, lumindol o tumama ang kalamidad ay ginagawa ang kanilang tungkulin na maibalik ang suplay ng kuryente.
Batay sa panukala, sasaklawin ng insurance coverage at benepisyo ang lahat ng mga line workers sa power industry sector kabilang ang mga nagtatrabaho sa private distribution utilities, electric cooperatives at transmission o grid operators.
Nakasaad sa panukala na ang insurance sa mga electric cooperatives ay depende sa classification nito.
Ang minimum insurance coverage na nasa P200,000 ay para sa mga maliliit na kooperatiba; P400,000 para sa medium-sized; P600,000 para sa large cooperative; P800,000 para sa extra-large; at P1 milyon para sa mega-large na kooperatiba.
Habang sa transmission o grid operator ay itinatakda sa P2 million ang minimum insurance coverage habang P1.5 million para sa private distribution utilities.
Bukod sa life and accident o disability insurance, pinabibigyan din ang mga electrical linemen ng retirement, mortuary at disability benefits mula sa simula ng kanilang pagtatrabaho hanggang sa kanilang pagbibitiw o pagreretiro sa kumpanya.
Nakapaloob din sa panukala ang reimbursement sa medical expenses sa mga kaso ng pagkasawi, aksidente, pagkakasakit, kapansanan o injury sa gitna ng pagtatrabaho. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News