37 pang overseas filipino workers (OFW) mula sa Israel ang dumating sa bansa, kagabi, dahilan para umakyat na sa kabuuang 413 ang bilang ng repatriates.
Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), ang ika-13 batch ng repatriates ay binubuo ng 31 caregivers at 6 na hotel workers na naipit sa bakbakan sa pagitan ng Israel at grupong Hamas.
Sa ilalim ng Voluntary Repatriation Program ng pamahalaan, bawat isang OFW ay tumanggap ng P125,000 mula sa DMW, Overseas Workers Welfare Administration, at Department of Labor and Employment.
Mayroon ding kasamang training and capacity enhancement vouchers, pati na noche buena grocery items mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Makatatanggap din ang repatriates ng karagdagang ayuda mula sa Technical Education, Skills Development Authority (TESDA) at Department of Social Welfare and Development (DSWD). —sa panulat ni Lea Soriano