dzme1530.ph

Maagang pagkawasak ng UniTeam, pinanghinayangan ng Senate Minority

Nanghihinayang si Senate Minority Leader Koko Pimentel sa kinahinatnan ng UniTeam na maagang nawasak.

Sinabi ni Pimentel na malaking regalo na sana ng Diyos sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang magandang relasyon nito sa kanyang Bise Presidente at maging sa Kongreso sa kabuuan.

Ipinaalala pa ng Senate Minority Leader na gumawa pa ng kasaysayan ang dalawang pinakamatas na lider ng bansa makaraang makakuha ng pinakamataas na bilang ng mga boto sa nakalipas na halalan.

Iginiit ni Pimentel na nagamit na sana ni Pangulong Marcos sa kanyang mga programa ang maayos na relasyon sa Bise Presidente, maging sa pagkakaroon ng kakamping 22 sa 24 na senador at mayorya ng mga kongresista.

Sa alegasyon naman ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa umano’y paggamit ng iligal na droga ni Pangulong Bongbong Marcos, iginiit ni Pimentel na nagiging consistent lamang ang dating punong ehekutibo sa kanyang mga sinasabi.

Ipinaalala ni Pimentel na noon pa mang panahon ng kampanya ay inihayag na ni Duterte na mayroong kandidato ang gumagamit ng droga.

Sa tingin naman ng senador na kung sakaling gumamit man si Pangulong Marcos ng iligal na droga ay posibleng noong panahon pa ito ng kanyang kabataan. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author