Kinumpirma ni Senate President Juan Miguel Zubiri na may mga ahensya silang tatapyasan ng lump sum budget upang mailipat sa Armed Forces of the Philippines at Philippine Coast Guard.
Sinabi ni Zubiri na bilyung-bilyong pisong budget ang napagkaisahan ng mga senador na idagdag sa pondo ng AFP para mapalakas ang kanilang kakayanan na protektahan ang seguridad at soberenya ng bansa.
Ayon kay Zubiri, hindi pa nya masabi ang eksaktong halaga ng idadagdag nila pero bilyun ang halaga para maipambili ng AFP ng kagamitan o pandagdag sa kanilang confidential at intelligence funds.
Target din ng Senado na dagdagan ang confidential at operational fund ng Philippine Coast Guard para makabili sila ng mga barko na magagamit sa matagal na pagpapatrulya sa West Philippine Sea.
Nangako rin si Zubiri na popondohan ang ilang imprastraktura sa Kalayaan Island tulad ng munisipyo at eskwelahan gayundin ang malaking pantalan. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News