dzme1530.ph

LTO Chief, kumambiyo tungkol sa DIY plates

Matapos sabihing maaaring gumawa ang mga may-ari ng mga motorsiklo at mga sasakyan ng sarili nilang temporary plate numbers dahil sa napipintong shortage ng mga plaka sa Hunyo at Hulyo, nilinaw ni Land Transportation Office Chief Jay Art Tugade na hindi pinapayagan ng batas ang mga indibidwal na mag-imprenta o gumawa ng sarili nilang license plates.

Sa Press Briefing, inihayag ni Tugade na maaring gamitin ng mga may-ari ng mga bagong sasakyan ang “temporary plate” na inisyu ng vehicle dealers, na mayroong conduction sticker para sa motor vehicles habang motor vehicle file number naman para sa mga motorsiklo.

Matatandaan sa isang panayam na sinabi ni Tugade na isa sa mga plano ng LTO kapag kinapos ang supply ng plaka ay payagan ang motorcycle at motor vehicle owners na gumawa ng sarili nilang license plates.

Gayunman, bilang general rule, ipinaliwanag ngayon ng LTO chief na bawal ang pag-imprenta o paglikha ng license plates, maliban na lamang kung nawala, ninakaw o nasira ang plaka, at kailangan aniya na magtungo agad ang may-ari ng sasakyan sa LTO Office para mag-request ng authorization sa paggamit ng improvised plates.

About The Author