dzme1530.ph

LTFRB ‘whistle blower,’ binawi ang ibinunyag na ‘lagayan’ sa ahensya

Binawi ni dating Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Senior Executive Assistant Jeffrey Tumbado ang kanyang alegasyon na talamak na korapsyon na nangyayari sa ahensya.

Sinabi ni Tumbado na matapos ang masusing repleksyon at deliberasyon, ang anumang alegasyon na kanyang ibinunyag sa press conference noong Oct. 9 ay pawang “unintentional at misguided”.

Ikinatwiran din nito na ang kanyang nagawa ay bunsod ng pabigla-biglang desisyon at sulsol ng ilang indibidwal na nakadagdag sa kalituhan ng kanyang isip at nakaapekto sa kanyang paghuhusga.

Humingi naman si Tumbado ng paumanhin kina suspended LTFRB Chairperson Teofilo Guadiz III at Transportation Secretary Jaime Bautista, sa pagsasabing hindi niya intensyon na dungisan ang integridad at reputasyon ng sinuman.

Una nang ibinunyag ni Tumbado na pumapalo ng hanggang P5-M ang suhol na pera mula sa mga operator para maka-secure ng ruta, prangkisa, special permits o board resolutions.

Idinagdag pa niya na bukod sa bribery sa LTFRB Central Office, binibigyan din ng quota ang regional directors na mag-prodyus ng P2-M kada buwan. —sa panulat ni Lea Soriano

About The Author