Hindi maaapektuhan ang mga programa at operasyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa nangyaring biglaang pagpapalit ng liderato.
Ito ang tiniyak ni LTFRB Technical Division Chief Joel Bolano kasunod ng pagkakasuspinde kay LTFRB Chairperson Atty. Teofilo Guadiz III dahil sa umano’y korupsyon sa ilalim ng kanyang pamumuno.
Nanindigan si Bolano na magtutuloy tuloy pa rin ang pagpapatupad ng mga programa ng ahensya kabilang na ang pamamahagi ng fuel sibsidy sa mga drayber at operator ng pampublikong sasakyan.
Hindi rin aniya dapat mag-alala ang mga transport group dahil sa susunod na buwan pa naman nakatakda ang hearing para sa mga petisyon kaugnay sa permanenteng taas-pasahe sa pampasaherong jeepney.
Gayundin ang Libreng Sakay Program sa EDSA Bus Carousel at Consolidated jeep sa ilalim ng Service Contracting Program ng LTFRB. —sa panulat ni Jam Tarrayo