dzme1530.ph

Local SUC’s, dapat may sarili nang medical school

Iginiit ni Sen. Francis Tolentino na panahon nang magkaroon ng sariling medical school ang bawat Colleges at Universities ng mga  local government units (LGUs).

Ito ay upang masolusyunan ang kakapusan ng mga doktor sa bansa.

Sinabi ni Tolentino na kapag may ospital at paaralan ang mga pamahalaang lokal ay talagang dapat magkaroon na rin ng medical school dahil hindi na anya  sapat na magkaroon lamang ng gusali at imprastraktura kung wala namang doktor.

Binigyang-diin ni Tolentino na dapat magkaroon na ng pagamutan ang mga lokalidad sa urban areas sa labas ng Metro Manila  upang hindi na dedepende ang mga tao sa regional medical facilities, subalit dapat ding tiyaking mayroong mga doktor.

Tinukoy ni Tolentino ang Batangas State University (BSU) bilang pangunahing halimbawa makaraang magsimula na rin itong magkaroon ng sariling  medical school program.

Hinimok din ng senador ang mga lokal na pamahalaan na bigyang prayoridad ang health services sa kanilang nasasakupan. –sa panulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author