Hawak na ng Senate Committee on Games and Amusement ang listahan ng mga nanalo ng jackpot sa lotto simula noong Enero 2023 hanggang nitong Enero 2024.
Isinumite ng Philippine Charity Sweepstakes Office ang listahan na nakapaloob sa isang selyadong envelope bilang pagtugon sa subpoena duces tecum ng Senado.
Ayon kay Atty. Lyssa Grace Pagano, Chief of Staff ng PCSO General Manager, bukod sa pangalan ng mga lotto winners, nakapaloob din sa isinumiteng envelope ang lotto games na kanilang napanalunan.
Kasama rin sa isinumite ang tinatawag na alpha list o record ng buwis na binayaran ng mga nanalo sa lotto mula July 1, 2023 hanggang December 2023.
Nais ng kumite na ipagkumpara ang listahan ng mga nanalo sa binayaran nilang buwis kung nagtutugma ito at para mapatunayan na totoong tao ang nanalo ng lotto.
Samantala, humarap naman sa Senado ang ilang lotto agents tulad ni Clarissa Imperial na kabilang sa 2,000 na nawalan ng trabaho matapos na lumipat sa bagong system ang PCSO.
Naging emosyonal si Imperial sa pagsasaad na habang hindi na sila nakakapag-operate ay tuluy-tuloy ang pagbabayad nila sa kanilang pwesto na umaabot sa P10,000 kada buwan. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News