dzme1530.ph

Liderato ng PhilHealth, dapat nang palitan

Iginiit ni Sen. JV Ejercito na napapanahon nang palitan ng pinuno ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at balasahin ang mga opisyal nito.

Sa gitna ito ng pag-amin ng senador na labis ang kanyang pagkadismaya sa ahensya dahil sa hanggang ngayon ay hindi pa rin lubusang maramdaman ng taumbayan ang benepisyo ng Universal Health Care Law na limang taon nang ipinatutupad.

Kasabay nito, kinumpirma ni Ejercito na nagpaalam na siya kay Sen. Pia Cayetano, ang vice chairman ng Senate Finance Committee na magdidipensa sa panukalang budget ng Department of Health, na kanyang hihilinging suspindihin ang kanilang rules at hayaan ang PhilHealth na diretsang sumagot sa kanilang mga katanungan kaugnay sa kanilang pondo.

Sinabi ni Ejercito na nakakadismaya ang PhilHealth na inuna pa ang pagdedeklara ng savings sa halip na gamitin ang pondo para sa pagtataas ng benepisyo sa mga miyembro o maibaba ang kontribusyon.

Sa kanyang X account, inendorso ni Ejercito si Atty. Darlene Berberabe na maaaring pumalit kay PhilHealth President Emmanuel Ledesma.

Sinabi ng senador na malaki ang naitulong doon ni Berberabe sa Pag-ibig Fund kaya’t tiwala siyang mas mapangangasiwaan niya ng maayos ang PhilHealth. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author