dzme1530.ph

Libu-libong solar-powered irrigation, planong ilagay sa mga sakahan sa harap ng El Niño

Ipinalutang ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang planong paglalagay sa mga lupang sakahan ng libu-libong irigasyon na patatakbuhin ng solar energy, sa harap ng nagpapatuloy na El Niño o matinding tagtuyot.

Sa talumpati sa Ceremonial harvesting ng palay sa Pampanga, inihayag ng Pangulo na libu-libong small-scale solar irrigation projects ang planong itayo, at ang bawat isa umano rito ay magkakaroon ng kakayanang magpatubig sa 20 ektarya ng lupa.

Kaugnay dito, sinabi ni Marcos na hinahanapan na ng budget ang Philippine Solar Irrigation Project.

Sa oras na maisakatuparan ito, ibinahagi ng Pangulo na madadagdagan ng 180,000 ektarya ang irrigable land, at tataas ng hanggang 1.2 million metric tons ang ani ng bansa.

Tiniyak ng Chief Executive ang patuloy na pagtatayo ng mga imprastrakturang magpapatatag sa mga sakahan sa harap ng epekto ng Climate change at mga kalamidad. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News

About The Author