dzme1530.ph

LGU at mga magulang, dapat maging aktibo sa mga programa laban sa teenage pregnancy at paglaban sa HIV

Loading

Iginiit ni Sen. Sherwin Gatchalian ang pangangailangan ng aktibong pakikilahok ng mga magulang at mga local government units (LGUs) upang matugunan ang mga kaso ng maagang pagbubuntis at human immunodeficiency virus (HIV) sa bansa.

Sinabi ni Gatchalian na dapat epektibong ipatupad ang Parent Effectiveness Service (PES) Program Act (Republic Act No. 11908).

Sa ginawang pagdinig sa pagpapatupad ng comprehensive sexuality education (CSE) ng Department of Education (DepEd), binigyang diin ni Gatchalian na dapat manguna ang mga magulang sa pagtuturo sa mga bata upang maprotektahan sila sa mga pinsalang dulot ng “risky behaviors” o mga mapanganib na kilos.

Bagama’t bumaba ang mga kaso ng pagbubuntis sa mga may edad na 15 hanggang 19, lumalabas sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang pag-akyat ng datos ng maagang pagbubuntis sa mga may edad na 10 hanggang 15.

Mula 1,629 noong 2013, dumoble sa 3,342 ang bilang ng mga nabubuntis sa age group na ito.

Naaalarma rin si Gatchalian sa datos ng Department of Health (DOH), kung saan lumalabas na ang average ng mga bagong kaso ng HIV kada buwan ay umakyat sa 1,470 sa unang anim na buwan ng 2023.

Sa kabuuang bilang ng mga naitalang kaso, 34,415 (29%) ang mula sa mga kabataang may edad 15-24.

Upang maipatupad ang PES Program, binigyang diin ni Gatchalian ang kahalagahan ng ugnayan sa pagitan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), DepEd, at Parent-Teacher Associations (PTAs).

Iminungkahi ni Gatchalian na makipag-ugnayan ang DSWD sa mga PTAs upang ipamahagi ang mga modules na ginawa ng ahensya sa ilalim ng PES Program.

Ang DSWD ang pangunahing ahensyang nagpapatupad ng PES Program.

About The Author