dzme1530.ph

Lalaking nanakit at pumunit sa passport ng OFW na patungong Kuwait, arestado

Tuluyan nang ipinakulong ng OFW ang kanyang asawa na nanakit at pumunit sa kanyang pasaporte habang papaalis ito sa NAIA terminal 1 patungong Kuwait.

Sa panayam ng DZME Radyo Uno Patrol kay OFW Myren Detaro Onato 31-years old at residente ng  Roxas City, Capiz, mahilig manakit ang kanyang asawang kinilalang si Jonard Banate, 34-yrs old, sa tuwing nakainom ito dahil umano sa selos.

Nagulat na lamang ito nang hablutin hanggang kunin at basagin ng kaniyang mister ang cellphone nito at punitin ang kanyang passport at boarding pass pagkarating sa paliparan.

Ayon kay Myren papaalis ito ngayong ala-1 ng hapon patungong Kuwait at inaasahan siya ng kanyang amo makabalik sa trabaho matapos ang bakasyon.

Tinulungan na rin ng PNP AVSEU ang OFW na ilapit sa Immigration sa NAIA kung maari pa siyang makaalis gayung punit na ang kanyang passport subalit hindi na ito maaaring gamitin dahil itoy isang public document.

Sa ngayon sinusubukan pang makuha ang mga bagahe ng OFW sa airlines dahil naicheck-in na ito bago mangyari ang insidente. —ulat mula kay Tony Gildo, DZME News

About The Author