Iginiit ni Senador Imee Marcos na panahon nang maging seryoso at agad na aksyunan ang pagrereview sa prangkisa ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) kasunod ng panibagong power outage sa Western Visayas, partikular sa Panay Island.
Sinabi ni Marcos na taun-taon na lamang ay isinasailalim sa review ang prangkisa ng NGCP dahil sa power outages subalit hindi pa rin naaksyunan ang mga hiling na suspindihin o kanselahin na ito.
Sinabi ni Marcos na bagama’t iginigiit ng NGCP na hindi nila mandato ang power generation, malinaw sa batas at sa kanilang franchise agreement na sila ang namamahala sa mga power grid.
Ang nangyari annya sa Panay ay malinaw na isyu ng grid mismanagement at kawalan ng investment sa interconnectivity at reserve requirement bukod sa kawalan ng proactive management.
Muling pinuna ng mambabatas ang mga nakapending pa rin na proyekto sa ilalim ng Transmission Development Plan na ang ilan ay nasa pitong taon na.
Tinukoy ng senador ang Cebu-Negros-Panay Backbone Project at ang Visayas-Mindanao Interconnection Project na kabilang sa long term solution sa power crisis. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News