Pormal na lumagda sa kasunduan ang Department of Justice (DOJ) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang mapabilis ang pagbibigay ng kabayaran sa mga batang biktima ng karahasan na nasa pangangalaga ng DSWD.
Pinangunahan nina DOJ Undersecretary Deo Marco at DSWD Undersecretaries Adonis Sulit at Monina Josefina Romualdez ang pirmahan sa DOJ Justice Hall.
Saklaw ng kasunduan ang mga biktima ng rape, torture, human trafficking, OSAEC, illegal detention, at enforced disappearance. Layon nitong mapadali ang pagproseso ng pinansyal na tulong sa ilalim ng DOJ-Board of Claims (BOC).
Ayon kay Usec. Marco, bahagi ito ng “holistic justice” na nagbibigay-diin hindi lamang sa hustisya, kundi pati na rin sa paghilom ng mga biktima. Dagdag ni Usec. Sulit, titiyakin ng kasunduan ang de-kalidad na pangangalaga at suporta para sa mga bata.
Pinuri naman ni Justice Sec. Jesus Crispin “Boying” Remulla ang inisyatiba bilang hakbang sa pagpapalakas ng restorative justice system ng bansa.