Sinuspinde na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang klase sa all levels sa mga pampublikong paaralan at pasok sa mga tanggapan ng gobyerno sa Metro Manila at Bulacan, sa Aug. 25.
Ito ay bilang pagbibigay-daan sa pagbubukas ng FIBA Basketball World Cup sa Philippine Arena sa Bocaue.
Nakasaad sa Memorandum Circular no. 27 na may lagda ni Executive Secretary Lucas Bersamin na ito ay bahagi ng commitment ng gobyerno para sa mas malawak na partisipasyon sa pag-develop at pagtataguyod ng sports.
Ito ay bilang suporta rin sa Philippine Sports Commission upang matiyak ang ligtas, maayos, at matagumpay na pagho-host ng FIBA World Cup.
Matatandaang ang Pilipinas bilang isa sa host countries ay kabilang sa mga makikipagtagisan sa FIBA World Cup laban sa pinaka-mahuhusay na koponan sa buong mundo. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News