Itinanggi ni Khalil Ramos ang mga akusasyon na gumamit siya ng professional camera sa pagkuha ng mga litrato ni Harry Styles sa concert nito sa Philippine Arena sa Bulacan noong March 14.
Matapos i-post sa social media ang ilang “professional-looking” photos ng English singer-songwriter sa concert nito, isang netizen ang nakapansin sa kalidad ng mga kuhang litrato ni Khalil at nagsabing bawal ang professional camera sa gig.
Binigyang diin ng aktor na magaganda na ang mga camera ng Smartphones ngayon, kailangan lamang aniya na pag-aralan kung paano ito gamitin.
Ipinagtanggol din ni Gabbi Garcia ang boyfriend sa pagsasabing phone lang ang gamit ni Khalil sa pagkuha ng pictures at inedit lamang ang mga ito sa pamamagitan ng app na “Lightroom.”
Sinabi rin ng aktres sa Twitter na alam nilang bawal ang professional camera sa concert, at sadyang magaling lang talagang kumuha ng litrato ang kanyang “jowa.”