Tinukoy ng dalawang senador na isang malaking hakbang sa seguridad ng suplay ng tubig sa Pilipinas ang Seawater Desalination Project sa Cordova, Mactan.
Ayon kay Senate President Juan Miguel Zubiri, sa pagsiguro sa suplay ng malinis na tubig ay magiging instrumental ang seawater desalination plant sa pag-unlad ng Mactan, na inaasahang makapagbibigay ng sapat na inuming tubig.
Wala aniyang pamilya sa bansa ang dapat magtiis sa kapahamakan o sakit dala ng maduming tubig.
Ayon naman kay Sen. Risa Hontiveros, bukod sa mababawasan ang mga banta sa kalusugan, ang Isla Mactan-Cordova Corporation (IMCC) Desalination Plant ay simula pa lamang ng paglalakbay tungo sa water-secure na Pilipinas.
Nabatid na ito ang kauna-unahang utility-scale seawater desalination project sa bansa, na may kakayahang gumawa ng 20 million liters ng potable o malinis at maiinom na tubig kada araw sa first phase nito.
Sinabi ni IMCC President at CEO Jess Anthony Garcia na ang 20 milyong litro ng tubig kada araw ay katumbas ng pang-araw-araw na pangangailangan ng 20,000 na sambahayan.
Inilarawan naman ni Cebu Governor Gwendolyn Garcia ang proyekto na isang “miracle” na sumasagot sa isang mahalagang pangangailangan. Aniya, kaya mabuhay ng tao nang walang kuryente, pero kung tubig ang mawala ay posibleng maging banta ito o problema sa kalusugan ng isang indibidwal.