Magsasagawa ang gobyerno ng kauna-unahang National Jail Decongestion Summit, para talakayin ang mga problema at solusyon sa congestion o siksikan sa mga kulungan sa bansa.
Sa press briefing sa Malakanyang, ibinahagi ni Justice Assistant Sec. at Spokesperson Mico Clavano ang tatlong pangunahing layunin upang ma-resolba ang jail congestion, una ay ang pagpapababa ng admissions sa mga kulungan.
Pangalawa ay ang pagpapataas o pagpapabilis ng releases o pagpapalaya, at ikatlo ay ang pagpapalaki sa capacity ng jail facilities.
Ang Jail Decongestion Summit ay dadaluhan mismo nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., Senate President Juan Miguel Zubiri, House Speaker Martin Romualdez, at Chief Justice Alexander Gesmundo.
Idaraos ito sa Disyembre 6 hanggang 7 sa pangunguna ng Justice Sector Coordinating Council, na binubuo ng Korte Suprema, Dep’t of Justice, at Dep’t of the Interior and Local Gov’t. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News