Sinagot ni Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs Chairman Ronald ”Bato” dela Rosa ang mga alegasyon laban sa kanya hinggil sa pagkakaugnay nito kay suspended Cong. Arnolfo Teves.
Sa pag-arangkada ng ikalawang araw ng hearing ng Senado kaugnay sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at iba pang mga lokal na opisyal, binigyang-diin ni dela Rosa na hindi siya kayang bayaran ninuman upang bigyan ng pabor ang isang panig.
Itinanggi rin ni dela Rosa na may kaugnayan ang asawa niya sa pamilya Teves.
Ipinaliwanag ng senador na ang tiyahin ng kanyang asawa ay ikinasal sa isang Teves pero wala itong anumang kaugnayan sa pamilya ni Cong. Arnie Teves.
Sinuportahan naman ni Senate Majority Leader Joel Villanueva ang pahayag ni dela Rosa at binigyang-diin na isa siyang living testimony na hindi nababayaran ang senador at hindi siya kayang silawin ng anumang kayamanan.
Paulit-ulit anya ang pahayag ni dela Rosa na dapat tiyakin ng Senado na magiging patas ang pagdinig at makakabuo sila ng makabuluhang rekomendasyon.
Samantala, humingi ng paumanhin si Pamplona Mayor Janice Degamo kay dela Rosa sa ngalan anya ng mga residente ng Negros Oriental dahil posible anyang ang mga alegasyon ay nagmumula sa mga nagmamahal sa napaslang na gobernador.
Gayunman, siya mismo anya ay patunay na ginagawa ng kumite ang lahat upang makatulong sa pagbibigay ng katarungan sa pagkamatay ng mga lokal na opisyal. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News