dzme1530.ph

Katiwalian sa mga proyekto ng NIA, pinabubusisi sa Senate Blue Ribbon Committee

Hiniling ni Sen. Raffy Tulfo sa Senate Blue Ribbon Committee na siyasatin ang posibilidad ng katiwalian sa ilang proyekto ng National Irrigation Administration (NIA).

Sa kanyang privilege speech, sinabi ni Tulfo na mula 2017 hanggang 2022, umabot sa kabuuang P121-B ang nailaan ng gobyerno para sa irrigation development and restoration projects.

Gayunman, karamahin anya sa mga proyekto ng NIA na naumpisahan mahigit limang taon na ay hindi pa rin natatapos kung saan ang ilan ay hindi man lang gumana kahit taon na ang lumipas mula nabigyan ng Notice to Proceed.

Isinawalat din ni Tulfo na may mga kontrata pa na sinadyang hindi ipakita sa publiko ang mga nanalo sa public bidding na dapat ay transparent.

Pinangalanan ng senador ang ilang contractor ng NIA na nakakuha ng milyung-milyong kontrata subalit hindi matapos-tapos ang mga proyekto.

Kabilang dito ang Oscar Sarmiento Construction Inc., R.D. Interior Junior Construction, J.D. Construction and Supply at Brostan Construction.

May tinukoy din ang senador na “Ghost Projects” na karamihan ay nasa Mindanao at umaabot ng P890 Million ang projects na hindi naman anya talaga inumpisahan pero pinondohan ng gobyerno.

Sa impormasyon pa ni Tulfo, karamihan sa mga proyekto ay aprubado ng isang Deputy Administrator Sulaik.

Kaugnay nito, hinimok ng mambabatas ang kanyang mga kasamahan sa Senado na busisiin ang mga naturang impormasyon lalo na’t paparating na naman ang budget season.

Hinimok niya ang mga kapwa senador na tiyaking naipatutupad nang tama ang mga proyekto para sa kapakanan ng mga magsasaka. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author