Umarangkada na ang pagdinig ng Ombudsman sa kasong katiwalian laban kay dating Tiaong, Quezon Mayor Ramon Preza.
Ang preliminary investigation ng Ombudsman ay may kaugnayan sa kasong paglabag sa Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act at Republic Act 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees laban kay Preza.
Ang kaso ay inihain ni incumbent Tiaong Vice Mayor Roderick Umali.
Sa reklamo ni Umali, inamin umano ni Preza ang kanyang impluwensya at kapangyarihan noong siya ay nasa puwesto pa para ma-reclassify ang isang property na nasa tatlong ektaryang lupain na pag-aari ng R.A. Preza Realty and Development Corporation.
Gayundin, ang pagbibigay ng business permit sa Ramonica Foods Corporation kung saan siya ang major stockholder at chairman of the board at President.
Iginiit pa ni Umali na malinaw na may naganap na pagkiling at isang kaso ng conflict of interest ang nangyari.
Bagama’t dumalo sa preliminary investigation ang dating alkalde ay tumanggi naman itong magkomento sa kanyang kinakaharap na kaso.