dzme1530.ph

Kasong isinampa laban sa mga pulis na nakapatay sa 17-anyos na binatilyo sa Navotas, planong pabigatin sa murder

Aalamin ng PNP ang resulta ng autopsy ng 17-anyos na si Jemboy Baltazar upang matukoy kung pabibigatin sa Murder ang kasong isinampa laban sa mga sangkot na pulis.

Sinabi ni PNP spokesperson P/Col. Jean Fajardo na binisita ng Navotas City Police personnel ang forensic pathologist na si Dr. Raquel Fortun upang makakuha ng kopya ng autopsy report na isinagawa nito sa katawan ni Jemboy.

Inihayag ni Fajardo na humihingi rin ng kopya ng autopsy result ang prosecutor upang malaman kung ang initial complaint na Reckless Imprudence Resulting to Homicide na inihain laban sa mga sangkot na pulis ay kailangang amyendahan at gawing Murder.

Batay sa resulta ng autopsy, isiniwalat ni Fortun na mayroong gunshot wound ang biktima sa kanang kamay, palatandaan na sinikap nitong ipagtanggol ang sarili, at tinamaan din ito ng bala sa ulo na ang entry wound ay sa likod ng tenga at ang exit wound ay sa ilong. —sa panulat ni Lea Soriano

About The Author