Malinaw na paglabag sa konstitusyon ang People’s Initiative na pinangunahan o isinulong ng mga pulitiko.
Ito ang binigyang-diin ni Senador Chiz Escudero kasabay ng pagsasabing napatunayan sa hearing ng Senate Committee on Electoral Reform na nagsisinungaling ang mga tumatangging nasa likod ng pangangalap ng lagda para sa People’s Initiative.
Ito ay kasunod ng kumpirmasyon ni PIRMA national convener Noel Oñate na hiningi nila ang tulong ni House Speaker Martin Romualdez para sa paglikom nila ng 3% na lagda sa bawat legislative district.
Muling ipinaalala ni Escudero na ang anumang hakbang na sinimulan sa pagsisinungaling ay hindi kailanman magiging mabuti kaninoman.
Pinatuanyan na rin anya sa mga nakalipas na desisyon ng Korte Suprema sa kaso ni Raul Lambino na sa sandaling sumuporta ang mga government official sa People’s Initiative ay hindi na ito maituturing na tunay na damdamin ng taumbayan.
Isa na anya itong Politicians Initiative na maituturing na iligal at unconstitutional. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News