dzme1530.ph

Karla Estrada, nag-sorry sa pag-share ng video na may background music ng NPA Anthem

Nag-sorry si Karla Estrada makaraang i-share nito ang video sa kanyang Instagram kung saan ibinida niya ang kanyang Army Reservist uniform subalit ang background music ay “Ang Bagong Hukbong Bayan” na anthem ng New People’s Army.

Bagaman binura agad ni Karla ang video ay hindi ito nakaligtas sa ilang followers at may ilan pang netizen na ni-reupload ito sa social media.

Pinayuhan din ng ilang netizens ang TV host na mag-research muna bago mag-post sa social media upang hindi mapahiya.

Kasabay ng paghingi ng paumanhin ni Karla ay ang pag-amin na hindi siya aware na ang nasabing musika na nailapat sa kanyang video reel ay awitin ng isang grupo na may paniniwalang salungat sa pamahalaan.

Idinagdag pa niya na ang layunin ng kanyang pagpapalista bilang Reservist ng Philippine Army ay upang makapaglingkod sa bawat Pilipino at sa bansa sa abot ng kanyang makakaya. —sa panulat ni Lea Soriano

About The Author