Inilarawan ni Atty. Ferdinand Topacio, abogado ni suspended Cong. Arnolfo Teves Jr. bilang “Anti-Climatic” o nakadidismaya ang pagsasampa ng National Bureau of Investigation ng Murder at Attempted Murder charges laban sa kanyang kliyente, kaugnay ng pagpaslang kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo.
Nagtataka si Topacio kung bakit natagalan ang paghahain ng kaso laban sa suspendidong mambabatas, sa kabila ng noon pang Marso ay inanunsyo na ni Justice secretary Jesus Crispin Remulla na si Teves ang lumalabas na “mastermind” sa krimen.
Sinabi rin ng abogado na noon pa man ay hinimok na nila ang kabilang kampo na kung mayroon silang mga ebidensya ay isampa na nila ang kaso sa Korte upang makatugon sila ng tama, sa halip na maisalang sila sa Trial by publicity ng DOJ.
Kahapon ay inihain na ng NBI ang Multiple Murder, Multiple Frustrated Murder, at Multiple Attempted Murder Charges laban kay Teves kaugnay ng pamamaril sa bahay ni Degamo na ikinasawi ng 10 katao, kabilang ang gobernador, at ikinasugat ng iba pa noong ika-4 ng Marso. —sa panulat ni Lea Soriano