Tiwala si Sen. Grace Poe na matitiyak ang kaligtasan ng mga rider at pasahero sa sandaling mabuo na ang batas para sa motorcycle for hire dahil bababa na ang bilang ng mga aksidente.
Sinabi ng chairman ng Senate Committe on Public Services na dapat matiyak ang highest safety standards ng mga Motorcycle for Hire upang maging komportableng mode of transportation.
Kaya naman, binusisi ng komite ang safety training na ibinibigay sa kanilang mga driver ng Angkas, JoyRide at Move it, na mga kumpanyang pinayagang mag-operate sa ilalim ng tatlong taong pilot program ng Department of Transportation.
Dito, nagpahayag ng pagkabahala si Sen. Raffy Tulfo bunsod ng datos na noong 2022 lamang, umabot sa 7,500 ang aksidenteng kinasangkutan ng Angkas, ang market leader na humahawak ng 30,000 slot sa 45,000 slots sa ilalim ng pilot program.
Samantala, inihayag ni Grab Senior Executive Vice President Lim Yew Heng, na sa Thailand, Vietnam at Indonesia kung saan sila ay nag-o-operate din, gumagamit sila ng teknolohiya para ma-monitor ang ugali at driving skills ng kanilang mga drayber bukod pa sa kaligtasan at tamang pagsasanay sa mga rider.
Sinabi nito na kapag napatunayang delikado ang pag-uugali at driving skills ng driver ay agad na silang na-alerto. –ulat mula kay Dang Garcia, DZME News