Nananatiling alalahanin ng National Economic Development Authority ang kalidad ng trabaho sa bansa dahil hindi pa rin ito umaabot sa pre-pandemic level, sa kabila ng pag-alis ng state of public health emergency bunsod ng COVID-19.
Ito ang binigyang-diin ni NEDA Sec. Arsenio Balisacan sa naganap na unang araw ng P5.768-trillion budget briefing para sa 2024 sa Kamara.
Ayon sa Kalihim, bagaman may mahigit 600,000 indibidwal na walang trabaho noong Hunyo, bahagya ring bumaba ang underemployment rate sa 12% mula sa 12.6% sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Batay sa datos ng Phil. Statistics Authority, aabot lamang sa 61.9% sa first quarter ng 2023 ang ambag ng mga manggagawa sa kabuuuang employment status, na kung saan ay hindi pa rin pasok sa pre-pandemic figure, at mas mababa sa 64.2% na naitala sa kaparehong period noong 2022.
Paliwanag ni Balisacan, dahil ito sa mababang bilang ng mga empleyado sa pribadong sektor at expansion ng employment sa mga family worker at self-employed. —sa panulat ni Airiam Sancho