Nagbabala si Senate Minority Leader Koko Pimentel na posibleng mabawasan ang mga bumabiyaheng public utility jeepneys sa bansa kapag pinagpilitan ng gobyerno ang hindi pa hinog na PUV Modernization Program.
Ayon kay Pimentel, sa ilalim ng programa ay kailangan pa ring umutang ng mga drivers at operators dahil maliit na halaga lamang ng modern jeep ang sasagutin ng gobyerno.
Posible aniyang magsialisan ang mga drivers at operators sa sektor ng transportasyon kung makita naman nilang hindi ‘worth it’ ang programa.
Dahil dito mababawasan ang bilang ng mga sasakyan at magiging malaking problema ito dahil lumalaki ang populasyon.
Para kay Pimentel, isa sa kahinaan ng programa ay ang reklamo ng mga PUV drivers at operators na hindi sila kinunsulta sa programa at hindi naipaliwanag sa kanila nang maayos ang proseso o magiging sistema.
Kaya ang suhestyon ni Pimentel ay mismong ang executive department na ang magdeklara ng suspensyon ng PUV Modernization Program. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News